Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga lumalahok sa kilos-protesta ngayong ginugunita ang ika-50 anibersaryo ng Martial Law na sumunod pa rin sa health protocols.
Ito ay kahit na pinayagan na ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoor settings.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, bahagi pa rin ito ng pag-iingat lalo’t nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.
Ani Fajardo, kung magsasagawa ng mga pagkilos dapat ay mayroong permit mula sa lokal na pamahalaan maliban na lamang kung sa mga freedom park.
Base sa datos mula National Capital Region Police Office (NCRPO), nasa 5,000 ang mga raliyista ang nagsasagawa ng pagkilos sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ngayong anibersaryo ng Batas Militar.
Kasunod nito, tiniyak ni Fajardo na ipatutupad ng kanilang hanay ang maximum tolerance.