Mga ebidenisya laban sa 4 na Japanese fugitives, ibibigay na ng BI sa mga pulisya ng Japan

Itu-turn over na ng Bureau of Immigration (BI) sa mga tauhan ng Japanese police at mga opisyal ng embahada ang mga ebidensiya laban sa apat na Japanese fugitives na sangkot sa kaso ng malawakang pagnanakaw at panloloko sa Japan.

Sa pahayag ni Justice Jesus Crispin Remulla, nasa sampung cellphone ang nakuha nilang ebidensiya mula sa mga Japanese fugitives partikular kina Kiyoto Imamura at Toshiya Fujita na ipina-deport na kaninang alas-9:40 ng umaga.

Ayon kay Remulla, bukod sa mga cellphone ibibigay rin ng Immigration ang iba pang gamit ng dalawa na magsisilbing ebidensiya laban sa kanila.


Dagdag pa ni Sec. Remulla, aabangan na lamang ang deisyon ng Pasay Regional Trial Court sa mga kaso ng dalawa pang Japanese fugitives na sina Yuki Watanabe at Tomonobu Saito.

Aniya, sakaling mag-plead ng gulity ang dalawa sa kinakaharap na kasong violence against women and children upang dito na lamang manatili sa Pilipinas, itu-turn over pa rin sila ng DOJ sa gobyerno ng Japan para sila na ang bahalang ipatupad ang sentensiya ng mga ito.

Kaugnay nito, umaasa si Remulla na dahil sa naging hakbang ng DOJ ay mapapalakas pa ang ugnayan ng Pilipinas at Japan para mahuli at mapanagot ang mga nagkakasala sa batas.

Giit pa ng kalihim na ang mabilisang aksyon ay patunay lamang na hindi hahayaan ng DOJ na babuyin at balewalain ang sistema ng hustisya ng Pilipinas ng iilan kung saan ang mga dayuhan na may kinakaharap na kaso at nagtatago sa bansa ay sinisiguro ni Sec. Remulla na mahuhuli rin sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments