Mga economic manager, pinamamadali na maibigay sa mga PUV driver at operators ang pangakong Pantawid Pasada

Kinalampag ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang mga economic manager na tuparin na ang pangakong Pantawid Pasada.

Giit ni Salceda, noong nakaraang taon pa ang pangakong fuel voucher para sa mga PUV driver.

Sinabi pa ng mambabatas na kung maaari ay isakatuparan na ang P1 billion fuel voucher program sa lalong madaling panahon o bago man lang alisin ang mga restriction sa mga pampublikong transportasyon.


Pahayag pa ng kongresista, ang subsidiya sa public transport ay kasing halaga rin ng pag-aalis ng COVID restrictions kaya kung wala nito, maaaring manatili na lamang sa mga bahay ang mga transport operators bunsod ng pagkalugi dahil sa napakataas ng presyo ng langis at wala namang pagtaas sa pamasahe.

Samantala, nanawagan naman si Salceda na ibalik na sa “pre-pandemic situation” ang public transport supply para maagapan ang epekto ng posibleng paghihigpit sa global oil supply dahil sa krisis ngayon sa Ukraine.

Makakatipid din aniya ang bansa ng P1. 4 billion sa fuel araw-araw oras na bumalik sa dati ang volume ng pampublikong transportasyon.

Paliwanag ng mambabatas, mangangailangan pa ng sapat na panahon para maging matatag ang kalagayan ng global markets at asahang mas marami na ang papasok sa mga paaralan at trabaho sa ilalim ng Alert Level 1 kaya dapat na madagdagan ang bilang ng mga pampublikong transportasyon.

Facebook Comments