Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na agad aarestuhin ang mga lalabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Cebu City.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa para mas maging epektibo ang ipinatutupad na community quarantine dahil pa rin sa pagtaas ng bilang ng nagpopositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Paliwanag ni Gamboa, ang ginagawa nilang pag-aresto ay babala sa mga taga Cebu na nagpupumilit pa rin lumabas ng bahay kahit hindi naman kabilang sa Authorized Persons Outside of Residence (APOR).
Aniya, nakakaalarma ang naitatalang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Cebu City kaya’t kinakailangan ng mas mahigpit na hakbang para mapasunod ang mga residente.
Sa ngayon, nakadeploy na sa Cebu City ang dalawang kompanya ng Special Action Force, maliban pa sa tropa ng militar na una nang naipakalat sa lugar para tumulong sa pagpapatupad ng quarantine protocols.