Nagkakaisa ang mga ekonomista ng bansa na napapanahon na ang pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments, binigyang diin ni dating National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Ernesto Pernia na makakatulong sa ekonomiya ngayong may pandemya ang isinusulong na economic Cha-Cha.
Iginiit ni Pernia na hindi magiging competitive sa ASEAN at sa global neighbors ang Pilipinas kung hindi pa rin bubuksan ang ekonomiya ng bansa.
Babala pa nito, mapapako lamang ang bansa sa 5% hanggang 6% na GDP growth kung hindi luluwagan ang pagnenegosyo at pamumuhunan ng mga dayuhan.
Naniniwala rin si dating NEDA Sec. Gerardo Sicat na ang pag-amyenda sa ekonomiya ay pagpapakita sa ibang bansa na bukas na ang Pilipinas sa pagbabago.
Aniya, ang restrictions sa Saligang Batas ang malaking sagabal kaya hindi maka-usad nang husto ang bansa.
Tinukoy nito ang foreign direct investments na siyang susi sa pagkakaroon ng “miracle economies” ng mga bansa sa Asian Region.
Sinegundahan naman ito ng academician, economist at National Scientist at Professor Emeritus din ng UP School of Economics na si Dr. Raul Fabella, na nagsabing kailangang gawing foreign investment friendly ang Pilipinas.
Kabilang sa mga tinukoy rito ang pagsasabatas ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Bill na tiyak na mas makakahikayat ng foreign direct investment sa bansa.