Ginagawa na ng mga eksperto ang mga patakaran para sa pagbabakuna sa mga batang nasa edad 5-11 taong gulang.
Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje nagpapatuloy rin ang pag-aaral ng Health Technology Assessment Council sa bagay na ito.
Ani Cabotaje, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga eksperto at sa katunayan ay may inilabas nang position paper hinggil dito ang Philippine Pediatric Society at Philippine Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines na nag-e-endorso para bakunahan ang mga batang 5-11 taong gulang.
Sinusuri pa aniya nilang maigi ang operational guidelines at isinasapinal kung saan gagawin ang pagbabakuna.
Posible aniyang magtakda lamang sila ng espesipikong lugar kung saan pupwedeng bakunahan ang nabanggit na age group.