Inirekomenda ni Senador Win Gatchalian sa Inter-Agency Task Force (IATF) na isama na sa mga prayoridad na mabakunahan ang mga electric linemen at meter reader.
Sa isang pahayag, sinabi ng senador na mahalaga ang ginagampanan nilang papel sa pagpapanatili ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente, sa kabuuang seguridad ng enerhiya at pagbabangon ng ekonomiya ng bansa.
Kasama rin sa mga tinutugunan ng mga ito ay ang pangangailangan ng mga konsyumer na may kinalaman sa installation, maintenance, repair works at iba pang technical concerns pagdating sa kuryente sa gitna ng mahigpit na pagpapatupad ng health protocols.
Una nang nanawagan ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga lokal na pamahalaan na payagan ang pagsasagawa ng onsite electric meter reading sa kanilang mga nasasakupan.
Sa ngayon, mayroon nang 756 na meter readers at 7,306 na line personnel ang Meralco sa bansa, habang mayroon namang tinatayang 9,680 na linemen at 2,420 na meter readers mula sa iba’t ibang Electric Cooperatives (ECs).