Mga empleyado na mawawalan ng trabaho dahil sa pag-pullout ng ilang malalaking kumpanya, pinatutulungan sa gobyerno

Pinakikilos ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang gobyerno para alalayan ang mga kababayang mawawalan ng trabaho sa pag-pullout na gagawin ng Honda, Nokia, Wells Fargo at Nissan.

Hiniling ni Salceda na bigyan ng unemployment insurance ang mga empleyadong apektado sa pagalis ng mga kumpanya.

Mainam aniya ang unemployment insurance kung saan may opsyon ang isang empleyado na gamitin ang naideposito sa Social Security System (SSS) habang naghahanap ng trabaho.


Hinikayat din ng kongresista ang Department of Labor and Employment o DOLE na isama sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD ang mga empleyado na apektado.

Hinimok din ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA na isailalim sa skills retraining ang mga manggagawa upang may bagong “set of skills” para sa ibang trabaho.

Ipinarerekunsidera din sa Tariff Commission at Department of Trade and Industry (DTI) ang safeguard measures para sa mga empleyado ng Honda at ipinaaaprubahan na ng mambabatas ang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) para sa pagpasok ng mga bagong mamumuhunan na magbibigay trabaho sa bansa.

Nilinaw naman ni Salceda na walang kinalaman ang gobyerno sa pullout ng mga players dahil malaki ang inilugi ng Honda sa mahal ng mga ibinebentang sasakyan habang ang Nokia ay bunsod naman ng pagbabago sa teknolohiya.

Samantala, mayroon namang kasalanan sa gobyerno ng US ang Wells Fargo at nahaharap ito sa multang $3 Billion habang ang Nissan naman ay may problema sa corporate governance.

Facebook Comments