Mga empleyado ng SSS, umapela sa mabilis at patas na resolusyon sa reklamong administratibo laban sa 4 opisyal

Manila, Philippines – Umapila ang union ng mga manggagawa ng Social Security System (SSS) o alert and concerned employees of the SSS para sa mabilis at patas na desisyon sa reklamong administratibo laban sa apat na opisyal ng ahensya.

Ayon sa union, nakompromiso ang integridad ng institusyon dahil sa diskusyon sa media ng nasabing reklamo o trial by publicity.

Gayunman, nilinaw ni Access President Amorsolo, na layunin ng kanilang grupo na matuklasan ang katotohanan sa likod ng mga kontrobersya at hindi para ipagtanggol ang mga nasasakdal.


Hiniling din nito kay Social Security Commissioner Jose Gabriel La Vina na itigil na ang “trial publicity” at hayaang umusad ang kaso sa Social Security Commission (SSC).

Naniniwala rin ang union na dapat pairalin ang tamang proseso sa pagtuklas sa katotohanan upang makamit ang tunay na hustisya at hindi idinadaan sa media.

Kinokondena rin nila ang kabi-kabilang alegasyon laban sa apat na matataas na opisyal ng SSS habang ang imbestigasyon ay isinasagawa ng SSC.

Hiniling din ng grupo na huwag gamitin ang kasalukuyang kontrobersiya para sa pagpapasikat ng ilang personalidad sa larangan ng politika.

Facebook Comments