Mga empleyado sa industriya ng turismo at pagbabangko, posibleng mawalan ng hanapbuhay sa mga susunod na buwan

Nagbabala si Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel na nanganganib na mawalan ng trabaho ang mga nasa industriya ng turismo at banking sa mga susunod na buwan dahil pa rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Pimentel, hindi malabong magbawas ng tauhan ang mga bangko dahil sa pagtaas ng non-performing loans matapos na suspindehin at palawigin ang pagbabayad sa utang gayundin ang pagdami ng mga taong lumilipat na sa online transactions at hindi na “physically” nagpupunta sa mga bank branches.

Inihalimbawa ng mambabatas ang merging o pagsasanib para sa streamline operations ng Bank of the Philippine Islands (BPI) at ng subsidiary nitong BPI Family Savings Bank.


Hindi rin aniya malayong maraming hotels na rin sa bansa ang sumunod sa yapak ng Shangri-La, Makati na pansamantalang nagsara na nitong February 1.

Bunsod nito ay pinalilikha ni Pimentel ang pamahalaan ng one-stop-shop na kung saan ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho ay maaaring magtungo sa mga physical location at website na maaaring madaling makahanap ng trabaho, makapag-claim ng separation insurance at makapaghanap ng mga pagsasanay para sa skills retooling.

Partikular na pinakikilos para sa pagbuo ng one-stop-shop ang Social Security System (SSS), Public Employment Service Office (PESO), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Local Government Units (LGUs).

Facebook Comments