Mga empleyadong maapektuhan ng pagsasara ng Sofitel Philippine Plaza, hindi papayag na hindi makabalik sa trabaho

Handa ang mga empleyado na maapektuhan ng pagsasara ng Sofitel Philippine Plaza na ipaglaban ang kanilang karapatan upang makabalik at hindi matanggal sa trabaho.

Ayon sa mga miyembro at opisyal ng National Union of Workers in Hotel, Restaurant and Allied Industries ng Sofitel, idadaan nila sa pagwewelga ang kanilang hakbang sa oras na hindi sila payagan makabalik kahit pa muli itong mag-operate o magbukas sa publiko.

Kinwestyon din ng mga empleyado ng Sofitel Hotel ang biglaang anunsyo ng pagsasara lalo na’t kaduda-duda ang hakbang na ito gayong hindi naman nalulugi ang kompanya.


Hindi rin sila naniniwala na renovation lamang ang pakay ng management kung kaya’t isasara ang operasyon.

Sinabi ni Arnold Bautista, pangulo ng Unyon ng mga Manggagawa, duda sila sa motibo ng management lalo na’t nagkataon na nagpasa sila ng panibagong collective baragaining agreement (CBA).

Katunayan, hanggang 2041 pa ang kontrata ng Philippine Plaza Holdings Inc, ang operator ng Sofitel Hotel sa lupang kinatitirikan nito na pagmamay-ari ng Government Service Insurance System o GSIS.

Posibleng ang pagbibigay ng benepisyo sa mga empleyado ang tunay na dahilan ng pagsasara nito at hindi ang kalagayan ng istruktura ng nasabing gusali.

Facebook Comments