Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na tiyaking maayos ang kalusugan at ligtas ang kanilang mga empleyado.
Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay, hanggang apat na oras lamang ang dapat na overtime ng isang empleyado.
Aniya, dapat ding bayaran ang overtime ng empleyado habang ang mga kumpaniyang nagpapatupad ng work from home arrangement ay dapat may sapat na work assistance sa kanilang mga tauhan para magampanan ang kanilang trabaho.
Kabilang dito ang maayos na internet connection at devices gaya ng computer o laptop.
Bukod dito, nagpaalala rin ang DOLE sa mga employer na nagpapatupad ng retrenchment na ilabas ang notice ng kanilang empleyadong mawawalan ng trabaho, 30 araw bago ito maging epektibo.
Giit pa ni Tutay, obligasyon pa rin ng mga kompanya na magbigay ng separation pay sa kanilang mga manggagawa sila man ay regular o contractual.
Alinsunod sa batas, ang separation pay ay katumbas ng isang buwan o kalahating buwan na sweldo sa kada taon ng serbisyo ng nagsarang kumpanya.