
Hindi maaaring sibakin ng employer ang isang empleyado nang walang legal na batayan.
Ito ang paalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng National Labor Relations Commission kung saan ipinaalala ang karapatan ng bawat manggagawa.
Ayon kay NLRC Commissioner Hernan Nicdao, protektado ang mga regular employees ng security of tenure kaya hindi sila pwedeng ma-dismiss nang basta-basta o walang sapat na dahilan.
Pinahihintulutan lamang aniya ang termination ng isang employee kapag nagkaroon ng seryosong paglabag, fraud, retrenchment, retirement, pagbabawas dahil sa bagong sistema o pagkakaroon ng seryosong karamdaman.
Kinakailangan din aniyang magbigay ng separation o retirement pay kapag inalis sa trabaho nang hind kasalanan ng empleyado.
Sa kaso naman ng redundancy, tatanggap ang manggagawa ng katumbas ng isang buwang sahod mula sa bilang ng taon sa serbisyo habang tig-kalahating buwan ng sahod naman para sa bawat taon na inilaan ng isang empleyadong na-retrench o nagkasakit nang malubha.
Maaari namang maharap sa reklamong illegal dismissal ang mga employer na hindi tatanggapin ang mga empleyado nang walang sapat na rason lalo kung aprubado ang sick leave.
Ang mga mananalo aniya sa kaso ng illegal dismissal ay maaaring makabalik sa trabaho na may kasamang sahod o bibigyan ng separation pay kapag hindi na pwedeng bumalik.










