Isinusulong sa Kamara na gawing krimen ang paglabag ng mga employers sa ‘Occupational Safety and Health Standards Law’ o OSHS Law.
Sa ilalim ng House Bill 2126 na inihain ng Makabayan Bloc ay ipinapanukala na amyendahan ang OSHS Law kung saan pinapapatawan ang mga employers ng mahigpit na parusa kaugnay sa mga aksidente na mangyayari sa trabaho.
Nakasaad sa panukala na maaaring maharap ang isang employer sa ₱300,000 hanggang ₱500,000 o pagkakakulong ng isa hanggang 6 na taon kung ang paglabag sa OSHS Law ay magreresulta sa ‘physical injury’ ng empleyado.
Kapag ang empleyado ay nasawi, pagkakabilanggo ng anim hanggang 12 taon bukod pa sa ₱1-M hanggang ₱3-M na multa ang parusa sa employer.
Bukod dito, kakanselahin din ang mga business permits ng mga employers, contractors at subcontractors sa mga paulit-ulit na paglabag sa batas.
Mahigpit ding ipagbabawal ang pagpapapirma ng mga employers ng waivers o affidavits sa mga kaanak ng mga empleyadong nasawi para lang makalusot sa pananagutan.
Puna ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, sa kabila ng pagkakaroon ng batas para sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga manggagawa’t empleyado, marami pa ring mga employers ang pabaya kaya hindi pa rin nawawala ang mga aksidente sa mga lugar na pinagtatrabahuan.