Mga energy stakeholder, hinikayat na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa power outage sa Panay Island

Hinimok ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga energy stakeholder na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Senate Committee on Energy kaugnay sa nangyaring malawakang blackout sa Panay Island.

Hinihiling ng mambabatas ang buong kooperasyon ng mga stakeholder sa nasabing isyu upang maresolba ang problema sa lalong madaling panahon.

Sinabi pa ng senador na bagama’t naka-break pa ang sesyon ngayon, bumabalik sila sa Senado dahil bukod sa napakahalaga ng usapin ay hindi dapat masayang ang oportunidad na matugunan ang isyung ito sa isinasagawang hearing.


Kabilang si Dela Rosa sa mga senador na naghain ng resolusyon sa Senado para silipin ang nangyaring power outage sa Western Visayas na nakaapekto sa kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay ng libu-libong mga Ilonggo.

Sa inihaing Senate Resolution 901 ay pinatitiyak niya na hindi na mauulit sa rehiyon ang kaparehong sitwasyon sa hinaharap tulad ng rotational brownouts at power interruptions lalo’t ito ay nagdulot ng malaking pinsala sa buong ekonomiya ng Western Visayas.

Tutukuyin pa sa mga susunod na pagdinig ang mga batas, alituntunin at regulasyon na ipinatutupad ng Department of Energy (DOE) at ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagresponde sa power blackout at kakulangan sa suplay ng kuryente sa Panay at Guimaras Islands.

Facebook Comments