Mga enlisted personnel, mabibigatan sa itatakdang 5% na kontribusyon sa retirement pay para sa mga aktibong sundalo

Aminado si Senate Committee on National Defense and Security Chairman Senator Jinggoy Estrada na marami pang isyu ang dapat na plantsahin kaugnay sa isinusulong na reporma sa Military and Uniformed Personnel (MUP) pension system.

Tinukoy ng senador ang magiging problema sa 5% na kontribusyon ng mga aktibong sundalo para sa kanilang retirement pay na aniya’y mabigat lalo na sa mga nasa mababang ranggo.

Ayon kay Estrada, maaapektuhan ng reporma sa MUP pension system ang nasa 163,000 na enlisted personnel.


Paliwanag ng mambabatas, mababa lang ang ranggo ng mga nasa hanay ng enlisted personnel kung saan ang nasa low rank ay sumasahod lang ng P29,000 habang ang highest rank sa kanila ay nasa P38,000.

Kung kakaltasan aniya ng 5% ang sahod ng mga ito para sa kanilang retirement contribution ay napakalaking bagay na ito sa isang enlisted personnel.

Bukas naman si Estrada kung kakailanganin na magsagawa ulit siya ng pagdinig sa komite para talakayin ang panukalang reporma sa MUP pension system.

Makikipagpulong din ang senador kay Defense Secretary Gibo Teodoro at sa mga economic managers para pag-usapan ang isyung ito at makabuo ng batas na magiging katanggap-tanggap para sa lahat.

Facebook Comments