Nangangamba ang mga senador matapos mapag-alamang hindi dumaan sa pagsusuri ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga kagamitan na binili sa China ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa pagdinig ng Senado, lumabas sa mga pagtatanong nina Senators Raffy Tulfo at Alan Peter Cayetano na hindi sumailalim sa pagsusuri ng DICT ang mga equipment para sa pasilidad ng NGCP kung saan 40 percent ng korporasyon ay pag-aari ng gobyerno ng China.
Hindi umano nalalaman kung may panganib sa national security, kung may virus at kung kayang i-access ng China ang power transmission grid sa bansa na pinatatakbo ng NGCP.
Paliwanag naman dito ni DICT Asst. Secretary Renato Paraiso, napaso na noong 2021 ang isang kasunduan ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Budget and Management (DBM) at National Economic and Development Authority (NEDA) na nag-uutos na inspeksyunin ang mga technology equipment na binibili ng gobyerno.
Sinabi naman ni DICT Usec. David Almirol na wala silang kakayahang magsuri dahil kulang sila sa pondo at tauhan kaya hindi na ma-maximize ang kanilang Cybersecurity Bureau.
Iginiit naman ni Tulfo na dapat ang DICT bilang “first line of defense” ng bansa sa cybersecurity ay wala dapat na bilhing kagamitan sa China at kung mayroon man ay isauli na ito.