Nadiskubre ng ilang mag-aaral sa Quezon City na maaring mapakinabangan ang mga dumi ng aso na kadalasang pakalat-kalat at umaalingasaw sa kalsada.
Sa isinagawang pagsisiyasat at eksperimento ng mga Grade 8 students ng Justice Cecilia Munoz Palma High School sa Payatas, nakagawa sila ng “bricks” o ladirilyo mula sa mga nakolektang tae.
Ayon sa ulat ng Reuters, pinaghalong dumi ng nasabing hayop at semento ang naimbentong “bio bricks”.
Para mabuo ang bio bricks, ibinilad muna nila sa araw ang mga nakuhang tae upang matuyo. Makalipas ang ilang sandali, hinaluan na ito ng semento at hinulma ng korteng ladirilyo.
Kada “bio bricks” ay naglalaman ng 10 gramo ng tae ng aso at 10 gramo ng semento. Pagtitiyak ng mga estudyante, mawawala rin ang mabahong amoy nito.
Lumabas din sa resulta ng isinagawang compression test na mas matibay ang mga “bio bricks” kumpara sa hollow blocks.
Umaasa ang science teacher ng mga mag-aaral na susuportahan ng lokal na pamahalaan at kompanyang ang naturang imbensyon.