Sisimulan nang ipamahagi ang nasa ₱11 milyong cash assistance na donasyon ni dating Las Piñas City Mayor Vergel “Nene” Aguilar para sa 11,000 na graduating students sa lungsod.
Ito’y makaraang mai-turn over ang nasabing pondo kay Officer-in-Charge Schools Division Superintendent Dr. Joel Torrecampo.
Partikular na makakatanggap ng ayuda ang mga graduating students mula sa public elementary, public senior high school at mga nakapagtapos sa Dr. Filemon C. Aguilar Memorial College of Las Piñas (DFCAMLP) para sa School Year 2019-2020.
Nakatakdang ipamahagi ang tulong pinansiyal simula sa Huwebes, June 4, 2020, kung saan maaaring makipag-ugnayan ang mga estudyanteng nagsipagtapos sa kani-kanilang mga class adviser habang ang mga graduate naman ng DFCAMLP ay maaaring bumisita sa Facebook page ng nabanggit na kolehiyo.
Ang nasabing donasyon ng dating alkalde ay bilang tulong na din sa gitna ng kinakaharap ng bansa kontra COVID-19.
Samantala, nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas sa mga residente nito na nananatili pa rin ang curfew mula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng madaling araw at obligado pa rin ang publiko na magsuot ng face mask kahit pa nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang buong lungsod.
Ang sinumang susuway ay mahaharap sa kaukulang parusa kung saan hiling pa rin ng lokal na pamahalaan na manatili na lamang sa loob ng mga tahanan kung walang importanteng gagawin sa labas upang hindi mahawa ng COVID-19.