Cauayan City, Isabela – Nasa maayos nang kalagayan ang mga estudyante na nalason dahil sa nabili at nakain na siomai sa loob ng Cauayan City National High School kamakailan.
Ayon kay Dr. John Mina, ang Principal ng Cauayan City National High School, na ang sampong estudyante na naiwan sa iba’t ibang pagamutan kahapon ay mga estudyante na maaring naparami lamang ng kinaing siomai kung kaya’t nakaranas ng lagnat, ngunit sa ngayon ay wala nang problema sa mga estudyante.
Sinabi pa ni Dr Mina na kahapon ay pinangunahan niya ang isang pulong kasama ang lahat ng food handlers ng kantina sa loob ng paaralan kung saan ay pinag-usapan ang lahat ng panuntunan sa tamang paghhanda ng pagkain, kalinisan at pagsunud sa mga di dapat at dapat na itindang pagkain sa loob ng paaralan.
Binigyan diin umano sa pulong ang hinggil sa mga pagkaing may red flag tulad ng junk foods, matatamis na pagkain at inuming may halong soda na mahigpit na ipinagbabawal na itinda sa mga mag-aaral.
Gayunman, matagal na umanong patakaran ito ng Department of Education kaya naging maayos naman ang pagtanggap ng mga food handlers sa panuntunan ng pagkain, ngunit ipagpapatuloy parin naman umano ang monitoring sa mga nagtitinda ng pagkain sa loob ng paaralan upang di na maulit ang pagkalason sa mga estudyante.
Matatandaan na umabot sa dalawamput dalawang estudyante ang itinakbo sa iba’t ibang pagamutan matapos na nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pagkahilo at pagsusuka dahil sa nabili at nakain na siomai sa loob ng Cauayan City National High School noong ika lima ng Hunyo, taong kasalukuyan.