Binabantayan na ngayon ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) ang mga fake account sa social media na nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease o nCoV-ARD.
Ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group Spokesperson Police Captain Jeck Robin Gammad, kumikilos na sila ngayon para matukoy ang mga fake account na ito.
Ito’y sa harap na rin ng banta ng nCoV-ARD kung saan dalawa na ang kumpirmadong kaso sa Pilipinas.
Sinabi ni Gammad, dahil partner ng ACG ang Facebook Philippines, pwede silang mag-request na ipasara ang account ng mga ito.
Pagdating naman sa posibleng maisampang reklamo, kinukunsulta na rin nila ngayon ang kanilang legal team para mapanagot ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
Una nang sinabi ni PNP Chief General Archie Gamboa na may ugnayan na ang ACG sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) upang i-monitor sa social media ang mga fake account.