Mga foreign students sa bansa, maaari pa rin isalang sa government intelligence investigation – BI

Maaaring isailalim sa intelligence investigation ng pamahalaan ang mga dayuhang nagmamay-ari ng student visa na napatutunayang nagsasagawa o sangkot sa mga iligal na aktibidad habang nasa bansa.

Ito ang nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) sa gitna ng isyu ng nadiskubreng malaking bilang ng mga Chinese students sa Cagayan.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, aktibo ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga sa mga foreign nationals na may student visa, na sangkot sa mga aktibidad na posibleng banta sa seguridad ng bansa.


Sa ilalim ng Executive Order No. 285 noong 2000, mayroong inter-agency committee na nangangasiwa sa monitoring ng mga dayuhang estudyante sa Pilipinas.

Nilinaw naman ni Tansingco na tanging mga foreign nationals na inendorso ng mga lehitimong eskwelahan at ng Commission on Higher Education (CHED) ang ginagawaran ng student visa.

Aniya, mandato ng mga paaralang tumatanggap ng foreign students na magsumite ng regular na report sa BI para ma-monitor kung sumusunod ito sa visa, habang ang CHED ang nakatutok kung sumusunod ba sa education-related policies ang isang foreign student.

Naniniwala ang BI na posibleng epekto ng post-pandemic rebound ang pagdami ng foreign students sa bansa, gayundin ang agresibong marketing ng mga paaralan at pamahalaan para mapalakas ang educational tourism sa bansa.

Sa datos ng BI, mahigit 1,500 Chinese ang nabigyan ng student sa Cagayan at may endorsement ng mga paaralan sa bansa, kung saan 400 lang ang pisikal na nag-aaral sa probinsya dahil distance learning ang ipinatutupad ng mga paaralan.

Facebook Comments