Mga fraternity o sorority na namatayan ng recruit dahil sa hazing, pinaba-blacklist ng isang kongresista

Iginiit ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera ang pagpapatupad ng one strike policy at pag-blacklist sa mga fraternity, sororities, gangs at katulad na samahan na namatayan ng mga na-recruit dahil sa “hazing.”

Mungkani ito ni Herrera kasunod ng pagkamatay ng estudyante ng Adamson University na si John Matthew Salilig na pinaniniwalaang biktima ng hazing.

Hiling ni Herrera sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Commission on Higher Education (CHED) at sa Department of Education (DepEd), pairalan ang “zero tolerance” sa lahat ng uri ng hazing.


Ayon kay Herrera sa pamamagitan ng one strike policy, ang mga frat at kaparehong grupo ay iba-blacklist at idedeklarang “persona-non-grata” kung mapapatunayan nagsasagawa, nagpapahintulot, pumuprotekta o tumutulong sa pangangasiwa ng hazing kung may masasawing biktima.

Pinakikilos din ni Herrera ang DILG para tulungan ang mga lokal na pamahalaan sa epektibong pagpapatupad ng Anti-Hazing Law.

Facebook Comments