Mga freedom park sa lungsod ng Maynila, mahigpit na babantayan ng MPD

Mahigpit na babantayan ng Manila Police District (MPD) ang freedom parks sa buong lungsod ng Maynila.

Ito’y may kaugnayan sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa June 30, 2022.

Partikular na babantayan ng MPD ang Plaza Miranda sa Quiapo, Plaza Dilao sa Paco, Plaza Moriones sa Tondo at Liwasang Bonifacio sa Ermita.


Ayon kay Maj. Philipp Ines, ang tagapagsalita ng MPD, naka-stand by lang ang kanilang mga tauhan mula sa Civil Disturbance Management Team na siyang magmo-monitor sa mga nasabing Freedom Park.

Aniya, bukod pa ito sa ilang libong mga pulis na nakatalaga sa National Museum at sa paligid nito.

Sinabi ni Ines na malaya namang ilahad ng mga nagkikilos protesta ang kanilang saloobin sa mga nabanggit na freedom park pero kung sisirain at babastusin ang mga pampublikong pasilidad o kaya ay maging sagabal sila sa daloy ng trapiko, kanilang ipatutupad ang umiiral na batas.

Dagdag pa ni Ines, mahigpit ding ipatutupad ng MPD ang maximum tolerance sakaling may mga grupong magkikilos protesta malapit sa lugar kung saan isasagawa ang inagurasyon ni Marcos Jr.

Sa kasalukuyan, wala pa namang natatanggap ang Manila Bureau of Permits ng anumang request o sulat para magkasa ng kilos protesta sa araw mismo ng inagurasyon.

Facebook Comments