Mga frontliner at essential worker sa Makati City, may libreng bakuna sa flu at pneumonia

Inanunsyo ni Makati Mayor Abby Binay na bibigyan ng pamahalaang lungsod ng libreng bakuna laban sa flu at pneumonia ang frontliners at essential workers nito.

Aniya, may 5,130 na frontliners at essential workers ang mabibigyan ng naturang bakuna sa Agosto ngayong taon.

Paliwanag ng alkalde, makakatulong ang pagbabakuna laban sa dalawang mga sakit sa respiratory system upang lumakas ang resistensya ng mga kawani laban sa SARS-CoV-2 na siyang sanhi ng COVID-19 infection.


Bukod sa libreng bakuna sa flu at pneumonia, binibigyan din ng lungsod ng libreng bitamina, kasama ang Vitamin C at B-complex, ang mga empleyadong pumapasok sa trabaho mula pa noong panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Matatandaan, inirekomenda ng Department of Health (DOH) na ang flu at pneumonia vaccines ay mainam gamitin upang maiwasan ang mga kumplikasyong dulot ng COVID-19.

Pero paalala pa rin ng DOH sa publiko na mag doble ingat at sumunod sa mga health protocol dahil wala pa ring bakuna ang bansa laban sa nakamamatay na virus.

Facebook Comments