Cauayan City, Isabela – Narekober ng pinagsanib puwersa ng kasundaluhan ng 17th Infantry (Do or Die) Battalion, 5th Infantry (Star) Division, Philippine Army kasama ang tropa ng Marine Battalion Landing Team-10 (MBLT-10), ng Philippine Marines sa kanilang nasasakupan ang mga armas at mga kagamitang sangkap sa paggawa ng Improvised Explosive Devices o IEDs ng Communist NPA Terrorists na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga elemento ng Northern Front Committee, Komiteng Rehiyong-Cagayan Valley (NFC,KR-CV) sa Sitio Riggay, Brgy Hacienda Intal, sa Baggao, Cagayan.
Kabilang sa mga narekober ay isang (1) M16 rifle, isang (1) U.S Carbine Cal. 30, isang (1) Magazine ng M16 Rifle, isang (1) Magazine ng Carbine, 20 na 5.56 na bala, anim (6) na bala ng Carbine, isang kilo ng pako, anim (6) na piraso ng PVC (12 inches round), dalawang (2) piraso PVC (formed as Claymore mine), isang (1) rolyo na Hose, isang (1) gallon na Black Powder at dalawang lata ng Epoxy (A&B 669g).
Ayon kay LTC Angelo Saguiguit, Battalion Commander ng 17IB, ang pagkakarekober ng nasabing mga baril at mga gamit sa paggawa ng bomba ay dahil sa patuloy na pagsuporta at kooperasyon ng komunidad ng Baggao, Cagayan at mga karatig bayan nito sa kampanya upang tapusin ang terorismo sa lambak ng Cagayan.
Malaking kawalan din aniya sa mga naturang kilusan ang pagkakarekober ng mga armas at kasangkapang pampasabog sa kanilang panggugulo at pananakot sa mga mamamayan ng Cagayan Valley partikular sa Baggao.
Pinuri naman ni Brigadier General Laurence E Mina, Commander ng 5th ID ang 17IB at MBLT10 maging ang mga sibilyan na nakipagtulungan upang marekober ang mga nasabing gamit pandigma.
Pinapaabot din niya ang kanyang mensahe sa mga kasapi ng komunistang grupo na magbalik-loob na at huwag hayaang masira ang kinabukasan dahil sa maling ideolohiya.
Ayon kay BGen. Mina, nakahanda naman aniya ang ating pamahalaan para tulungan ang mga nalinlang ng rebeldeng grupo upang magsimulang muli sa tulong ng E-CLIP at mamuhay ng mapayapa kasama ang pamilya.