Hinikayat ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa Food and Drug Administration (FDA) na paspasan na ang pag-aaral nito sa Ivermectin upang gamiting gamot sa COVID-19.
Ito’y makaraang ihayag ng FDA na bukas sila sa aplikasyon ng mga doktor at ospital na nagsusulong upang magamit ang nasabing gamot upang makatulong sa pagpapataas ng recovery rate ng bansa.
Ayon kay ARTA Director General Jeremiah Belgica, batay sa itinatakda ng Ease of Doing Business Act, 3 araw lang dapat ang itinatagal para aksyunan ang request para sa compassionate special permit.
Paliwanag ni Belgica, kung hindi ito matutugunan hanggang sa ika-20 araw ay may kapangyarihan ang ahensya para ideklara ang automatic approval sa mga nabinbing aplikasyon.
Kasunod nito, hinikayat ng ARTA ang pribadong sektor na mag-apply para sa tuluyang paggamit ng Ivermectin na sinasabing epektibong gamot sa COVID-19.
Una rito, nilinaw ng Department of Health na ang rehistradong Ivermectin sa bansa ay para lamang sa mga hayop at hindi inirerekomendang gamitin dahil sa kawalan ng sapat na datos na sumusuporta sa mga pag-aaral.