Ipinasasapubliko ni Senator Chiz Escudero sa gobyerno ang lahat ng datos sa mga ginastos at mga nasayang na pondo para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng deklarasyon ng World Health Organization (WHO) na tapos na ang COVID-19 bilang global health emergency.
Ayon kay Escudero, hindi dapat magwakas ang paghahanap ng hustisya para sa hindi tamang paggamit ng pandemic funds dahil sa pagbili ng mga medical supplies at bakuna.
Partikular na nais ni Escudero na ma-declassify ang mga datos kaugnay sa pagbili ng bakuna na hanggang ngayon ay hindi malinaw kung magkano ang bawat dose dahil sa non-disclosure agreement sa pagitan ng gobyerno at ng mga suppliers at manufacturers ng bakuna.
May ahensya umanong nagsasabi na P300 billion ang nagastos sa pagbili ng mga bakuna pero ang inireport naman sa Senado ay nasa P145 billion naman ang nagastos.
Iginiit ni Escudero na kailangang masiwalat na ang lahat ng nagamit na pondo ng pamahalaan sa pandemya dahil obligasyon ng pamahalaan na mabigyang katarungan ang paggastos ng pera ng taumbayan at ang libu-libong frontliners na nasawi dahil sa COVID-19.