Wednesday, March 11, 2026

Mga ginawa ni FPRRD, isinumbat ni Rep. Paolo Duterte sa unang taong anibersaryo ng pag-aresto sa kanyang ama

Nagpahayag ng panunumbat at sama ng loob si Davao City 1st District Paolo Duterte sa unang anibersaryo ng pag-aresto sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na hanggang ngayon ay nakakulong pa rin sa International Criminal Court (ICC).

Hindi katanggap-tanggap para kay Congressman Pulong na sa halip magpasalamat ay ito ang ganti ng administrasyon sa ginawa ng kanyang ama na paglaban sa krimen, pag-protekta sa mga komunidad at paglilingkod sa mamamayang Pilipino.

Sumbat pa ni Rep. Duterte, ipinalibing ni FPRRD si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani alang-alang sa diwa ng pagkakasundo, paghilom at pagrespeto sa kasaysayan.

Ayon kay Duterte, itinaguyod ni FPRRD ang pagkakaisa at nagpakita ng kabutihan sa pamilya Marcos pero pagtatraydor ang isinukli sa kanya at ipinahiya siya sa buong mundo.

Diin ni Congressman Duterte, hindi bulag ang mga taumbayan at hindi nila makakalimutan ang paglaban ni FPRRD sa mga kriminal at sindikato ng ilegal na droga gayundin ang pagtatanggol niya sa pangkaraniwang mamamayan laban sa mga elitista.

Tiwala si Rep. Duterte na hindi mabubura ng kahit anong propaganda ang katotohanan na nakaukit sa puso ng mga Pilipino.

Facebook Comments