Mga gobernador at alkalde, planong mag-rally sa Senado; pondo ng Barangay Development Program pinababalik

Nakahanda ang ilang gobernador at mga alkalde na mag-rally sa harap ng Senado upang iprotesta ang ginawang malaking pagtapyas sa pondo ng Barangay Development Program na laan sa mga NPA-cleared barangays.

Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay sina Gov. Nelson Dayanghirang ng Davao Oriental, Gov. Arthur Yap ng Bohol, Gov. Ben Evardone ng Eastern Samar at municipal Mayor Eric Constantino ng Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Ayon sa naturang mga lokal na punong ehekutibo, kukumbinsihin nila ang kapwa nila local chief executives na sumama sa kanilang kampanya.


Nagbanta pa ang grupo na ikakampanya nila ang di pagboto sa mga senador na nanguna sa pagtapyas sa pondo sa Barangay Development Program allocation sa 2022 General Appropriations Act.

Sakaling maudlot ang paghahatid ng basic infrastructure at services sa ilalim ng SBDP sa mga liblib na pook, mauuwi sa wala ang tagumpay na nakamit laban sa New People’s Army (NPA).

Nauna na ring nagpasa ng resolusyon ang League of Provinces of the Philippines na humihiling sa Senado na ibigay ng buo ang pondo para sa anti-insurgency program ng gobyerno.

Facebook Comments