Pinayuhan ni House Committee on Energy Vice Chairman Roman Uybarreta ang mga government offices, mga business industry at establishments na magtipid ng kuryente.
Paliwanag ni Uybarreta, makakatulong ang mga hakbang sa pagtitipid ng kuryente kahit sa mga lugar na pinagtatrabahuan upang maiwasan din ang madalas na rotational brownouts at pagtaas ng power demand partikular sa Luzon grid.
Iminungkahi din ng mambabatas na i-endorso ang utos ng pagtitipid ng kuryente sa mga tanggapan ng gobyerno sa simpleng pagpatay ng ilaw kung may araw at maliwanag naman sa mga opisina.
Magkakaroon aniya agad ng impact ang paggawa ng energy saving measures at isa lamang ito sa mga pinakamadaling solusyon para mabawasan ang madalas na brownouts.
Samantala, hinimok ng kongresista ang Department of Energy na pagpaliwanagin sa publiko ang mga kumpanya ng kuryente kung bakit nagkaroon ng forced shutdown ang mga planta.
Giit nito, hindi maiiwasan na magduda ang publiko sa nangyayaring rotating brownouts dahil sa sinasabi ng mga energy officials na may sapat na suplay ng kuryente.