Nanawagan si Agusan Del Norte Rep. Lawrence Fortun sa Department of Trade and Industry at sa Inter-Agency Task Force na atasan ang mga supermarkets, convenience stores, at groceries na maglagay ng special lane para sa mga frontliners.
Ayon kay Fortun, nabatid niya na may ilang establisyimento na ang gumagawa nito pero mainam pa rin na obligahin ang paglalagay ng express lane para sa mga frontliners na gagawin naman sa buong bansa.
Hindi na aniya kakailanganin pang magtagal sa pila ng mga frontliners dahil importante ang bawat oras para sa kanila.
Bukod sa special lane, hinikayat din ng kongresista ang mga LGUs na atasan ang mga tindahan na magbigay ng discount sa mga frontliners.
Sa ganitong paraan aniya ay maipapakita natin sa mga frontliners lalo na ang mga nasa medical institutions at mga nasa checkpoints ang pasasalamat sa kanilang pagsasakripisyo sa gitna ng panganib ng COVID-19.
Hinimok naman ni Fortun ang publiko na magpakita ng gratitude o pasasalamat sa mga frontliners sa pamamagitan ng pagyuko, pag-ngiti at simpleng kaway kapag makakasalubong ang mga ito.