Patuloy ang pagdami ang bilang ng mga nahuhuling lumalabag sa pinaiiral na gun ban kaugnay ng halalan 2022 sa bansa.
Batay sa datos ng Philippine National Police (PNP) ngayong Martes, Mayo 3, umabot na ito sa 2,973 matapos mahuli ang karagdagang 13 na violator kahapon.
Sa nasabing bilang, 2,864 ang sibilyan, 49 ang security guards, 17 ang miyembro ng PNP, 17 ang tauhan ng AFP at 26 ang iba pang violators.
Pinakmarami sa mga nahuli ay sa National Capital Region (NCR) na nasa 1,114; kasunod ang Region 4A na nasa 329; Region 7 na nasa 313; Region 3 na nasa 273; at Region 6 na nasa 183.
Nakumpiska sa mga ito ang 2,264 na firearms; 1,086 na deadly weapons, kabilang ang 111 na pampasabog; at halos 12,000 na mga bala.
Mula Enero 9 hanggang kasalukuyan, umabot na sa 2,850 ang naisagawang gun ban operations ng pulisya sa iba’t ibang lugar sa bansa.