Mga guro at health workers, nanawagan ng taas-sahod ngayong unang taon ni PBBM

Nanawagan ng taas-sahod ang health workers at mga guro, ngayong unang taong anibersaryo ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), dapat itaas sa ₱33,000 ang entry salary ng mga health workers sa bansa.

Giit pa ng grupo, hindi mahal ni Pangulong Marcos ang health workers at ang bansa dahil sa baba ng sahod.


Napakamahal din aniya ang magkasakit sa Pilipinas dahil palpak at inutil ang pangulo sa pagtugon sa health situation ng bansa.

Sa sektor naman ng edukasyon, sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na kung estudyante sina Pangulong Marcos at VP Sara Duterte ay bagsak ang grado nito at hindi na dapat magpatuloy.

Anila, wala naman kasing ginawa ang administrasyon na ito para sa mga guro at sa sektor ng edukasyon.

Bagama’t tumaas anila ang budget ng DepEd, sa intelligence funds lamang ni VP Sara umano ito napupunta.

Dagdag pa ng ACT, wala ring tigil ang ginagawang red-tagging ng administrasyon sa mga guro at unyonista.

Panawagan pa ng grupo, tanggalin na ang mga corrupt na opisyal ng gobyerno at ibalik ang mga ninakaw na yaman.

Facebook Comments