Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga guro na itaguyod ang professional duty sa paghahanda ng learning materials na gagamitin ng mga estudyante sa ilalim ng distance learning set-up.
Ito ang paalala ng kagawaran kasunod ng mga batikos na kanilang natatanggap dahil sa learning material na nagpapakita ng ‘body shaming’ sa aktres na si Angel Locsin.
Ayon kay Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, bahagi ng tungkulin ng mga guro na ihanda ang assessment questions sa hinahawakan nitong klase.
Responsibilidad aniya ng guro ang summative tests na kanilang isinasagawa.
Paglilinaw ni San Antonio na ang learning material na tinatawag si Locsin na ‘obese person’ ay hindi bahagi ng module pero isang summative assessment ng isang guro.
Kailangan aniyang maging sensitibo ang mga guro sa mga isyung panlipunan.
Bukod dito, paalala rin ng DepEd sa mga guro na iwasan ang infringement sa copyright laws.
Ang academic freedom ay hindi ‘absolute’ at isinasagawa na may paggalang sa ilang pamantayan at batas.