Mga guro, hindi dapat humihingi ng donasyon para sa learning modules ayon sa isang kongresista

Umaalma ang isang kongresista sa paghingi ng mga guro ng donasyon na gagamitin para sa learning modules.

Ayon kay Bagong-Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera, nakita niya na may mga post sa mga Facebook ang mga guro na humihingi ng donasyon na bond papers at iba pang printing materials.

Giit ni Herrera, mayroong ₱95 billion na budget ang Department of Education (DepEd) sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na maaaring gamitin na pambili para sa printing materials ng learning modules ng public school teachers.


Hindi aniya dapat na hinahayaan ng kagawaran na ang mga guro na hirap din sa gitna ng pandemic ang siyang sasagot sa gastos ng learning modules na gagamitin sa ilalim ng blended learning.

Umapela rin ng tulong si Herrera para sa dependents ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na nahinto sa pag-aaral ngayong pasukan.

Pinamamadali nito ang DepEd, Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mabigyan ng tulong ang OFWs upang mapa-enroll ang kanilang mga anak ngayong school year.

Facebook Comments