
Mas palalawakin pa ng Depatment of Agriculture (DA) ang maabot ng ₱20 rice program ng pamahalaan.
Matapos na ilunsad ngayong araw ang Benteng Bigas, Meron Na!” program para sa mga jeepney at tricycle drivers, kasama na ang mga public transport workers, isusunod namang masasakupan ng programa ang mga public school teachers at mga non-teaching personnel.
Naging matagumpay ngayong araw ang ₱20 rollout sa transport sector.
Halos mahigit 57,000 ang nagbenepisyo sa rollout nito sa Quezon City, Navotas City, Cebu City, Tagum City at Angeles City, Pampanga.
Tiniyak naman Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na may sapat na suplay ng bigas upang gawing tuloy tuloy ang pagpapatupad ng ₱20 program.
Aniya, sobra-sobra ang suplay ng National Food Authority (NFA) sa kani-kanilang mga warehouse.
Aniya, kailangan na nilang maglabas ng 1,000 tons kada araw upang mailabas ang mga suplay ng NFA sa October.
Pero, pagsapit ng November ay gagawing tig-2,000 tons ang ilalabas habang sa December ay 3,000 tons kada araw na bigas.
Mahalaga aniya ang mga programang pagbebenta ng murang bigas upang tuluyang mapakawalan at mapaluwag ang mga bigas ng NFA.
Ito rin aniya ang sagot upang mabili nila ng husto ang mga palay ng mga magsasaka na inaani nila ngayon.
Bibilis pa aniya pagpapakawala ng bigas sa sandaling mapalawak pa nila ang bentahan ng murang bigas sa hanay ng transportasyon at ngayon ay sa mga guro.









