
Bibigyan ng Department of Education (DepEd) ng 30-araw na flexible vacation ang mga guro para mapagaan ang kanilang workload.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layon ng bakasyon na makapagpahinga ang mga guro at mag-aaral kasama ang kanilang mga pamilya matapos ang academic year.
Maaaring i-avail ng mga guro ang kanilang bakasyon simula April 16 hanggang June 1, 2025, kung saan maaari itong tuloy-tuloy o hati-hati.
Sakop din ng vacation period ang mga guro ng Alternative Learning System at Arabic Language and Islamic Values Education.
Sa panahong ito, hindi obligadong lumahok ang mga guro sa anumang aktibidad kaugnay sa Performance Management Evaluation System (PMES).
Hindi rin mandatory ang mga summer training at professional development programs.
Kung pipiliin namang dumalo ng mga guro, bibigyan sila ng karagdagang Vacation Service Credits bukod pa sa 30-araw na bakasyon.
Nilinaw naman ng DepEd na hindi kasama ang school heads sa nasabing pribilehiyo dahil kailangan nilang tiyakin ang operasyon ng paaralan habang bakasyon.