Hinikayat ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang mga guro na lumabas sa kanilang mga “comfort zones” para makasabay sa mga pagbabago sa loob ng education sector.
Ginawa ni Villanueva ang pahayag matapos na dumalo bilang panauhing pandangal sa Dangal ng UST awarding ceremony nito lamang Huwebes.
Tinukoy ng senador ang isang malaking hamon na kinakaharap ng mga guro at ito ay ang pagtiyak na makakahanap ng trabaho ang mga graduates sa gitna pa rin ng mabilis na pagbabago sa workplace landscape.
Iginiit ni Villanueva na sa tulong ng mga guro ay mahalagang magkaroon ng mas mahabang experiential learning ang mga estudyante upang mas mahasa sila bago pa man pumasok sa napiling industriya.
Binigyang-diin din ni Villanueva na importanteng lumabas sa kanilang mga comfort zones ang mga guro dahil malaki ang papel ng mga ito sa paghubog sa kinabukasan ng mga mag-aaral.
Dagdag pa ng mambabatas, responsibilidad naman nila sa gobyerno na bigyan ang mga guro ng oportunidad para sa patuloy na professional development sa pamamagitan ng micro credentialing.