Mga gusali ng paaralan, dapat patatagin laban sa mga kalamidad

Iginiit ni Senador Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyaking ang mga gusali ng mga paaralan ay kayang tumindig sa gitna ng paghagupit ng mga bagyo.

Paliwanag ni Gatchalian, ang mga typhoon-resistant buildings ay mahalaga sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga paaralang kadalasan ay nagsisilbing mga evacuation center.

Tinukoy ni Gatchalian ang pahayag ng isang opisyal ng DepEd na ang substandard construction ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na nasisira ang maraming mga paaralan tuwing bumabagyo.


Para naman kay Gatchalian, isa sa mga solusyon ang paglalagay ng mga roof decks na konkreto imbes na palaging pinapalitan ang mga nasisirang bubong sa tuwing may bagyo.

Diin ni Gatchalian, ang pagkakaroon ng matitibay na mga paaralan ay mahalaga, hindi lamang para sa agarang pagpapatuloy ng edukasyon kundi para siguruhin din ang kaligtasan ng mga sisilong dito tuwing may kalamidad.

Facebook Comments