Hinihikayat ng pamahalaang lungsod ng Dagupan ang lahat ng gusaling ipinapatayo nang walang building permit na magsumite ng aplikasyon upang maisagawa ang legal na proseso sa pagtatayo ng istruktura.
Ito ay kasunod ng inspeksyon sa isang multi-purpose building sa Brgy. Bacayao Norte, malapit sa city covered court, na itinayo nang walang permit.
Ayon sa City Engineering Office, hindi nasunod sa proyekto ang kinakailangang setback requirement, na mahalagang sundin sa anumang uri ng konstruksyon.
Ipinaliwanag ng tanggapan ang mga hakbang upang masiguro na ang mga gusali ay ligtas at kapaki-pakinabang para sa publiko.
Kasabay nito, humihiling ang lokal na pamahalaan ng pakikilahok ng Sangguniang Panlungsod sa pag-update ng zoning ordinance upang mas maging malinaw at angkop sa kasalukuyang pangangailangan.
Ang inspeksyon ay isinagawa sa kahilingan ng Barangay Captain Diosdado Maramba, bilang paalala sa kahalagahan ng pagsunod sa tamang proseso sa pagkuha ng permit upang maiwasan ang paglabag at hindi pagkakaunawaan.
Inaasahan din ang muling pag-uusap ng lokal na pamahalaan at Department of Public Works and Highways (DPWH) ukol sa proyekto upang makahanap ng angkop na solusyon at matiyak ang wastong koordinasyon sa pagitan ng mga kinauukulang ahensya.










