Inihahanda na ng Mandaluyong City Police ang pasasampa ng kaso laban sa mga gwardiya ng isang subdivision sa Quezon City kung saan nakatira ang SUV driver na sangkot sa hit-and-run incident sa Mandaluyong City noong Lunes.
Ayon kay Mandaluyong Police Deputy Chief Police Lt. Col. Marlon Mallorca, kakasuhan nila ng obstruction of justice ang mga gwardiya matapos na hindi papasukin ang mga pulis sa subdivision para mapuntahan ang bahay ng suspek.
Una nang kinasuhan ng frustrated murder at abandonment of one’s own victim ang driver ng SUV.
Samantala, bigong makadalo sa pagdinig ng Land Transportation Office ang may-ari ng SUV maging ang abogado o sinumang kinatawan nito.
Binigyan siya ng final notice ng LTO at kung hindi pa rin sisipot sa panibagong pagdinig sa Biyernes ay posibleng tuluyan nang i-revoke ang lisenya ng driver.