Dapat na mas pag-ibayuhin pa ng pamahalaan ang pagpaplano kung papano maiibsan ang epekto ng climate change.
Sinabi ni Rosalina de Guzman, hepe ng climate change data ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na may sampung taon na mula nang masimulan ang planong ito, kinakailangang seryosohin at makita na ngayon ang paglalapat sa mga plano.
Aniya pa, kailangan na ring paglaanan ng sapat na pondo ng gobyerno ang mga programa laban sa epekto ng climate change.
Sinabi pa ni De Guzman na sa mga pagpupulong na ginagawa ng cabinet cluster on climate change adaptation and mitigation kung saan miyembro nito ang PAGASA, tinatalakay ang mga programa ng bawat ahensiya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga hakbang na ipatutupad ay ang pagpapalakas sa early warning system, pagdaragdag ng radars para mapag-ibayo pa ang pagbibigay nila ng babala ng bagyo at mapaghusay ang kanilang pagtaya ng panahon.
Nasa hanay rin aniya ng mga programa ang pagpapatayo ng 13 regional flood forecasting centers sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Nakakuha rin aniya ang bansa ng 10 milyong dolyar na halaga mula sa green climate fund na gagamitin sa apat na project sites kabilang ang Legaspi, New Bataan, Palo Leyte at Tuguegarao City na silang mga lantad sa matinding epekto ng climate change.
Sa ilalim ng proyektong ito aniya ay tutugunan ang iba’t ibang panganib na dala ng climate change tulad ng storm surge o daluyong, severe wind o matinding lakas ng hangin, pagbaha at malalakas na bagyo.
Una nang sinabi ni De Guzman na nararamdaman na ng bansa ang epekto ng climate change, tulad ng mataas na temperatura, malalakas na bagyo, at pagtaas ng antas ng tubig sa karagatan na nagbabadya aniyang lumala pa pagsapit ng taong 2050.