
Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na gumagawa sila ng mga hakbang para mapabilis ang pagsugpo sa katiwalian.
Ayon kay Justice Secretary Eric Vida, pinaigting nila ang pag-usig sa mga kasong may kaugnayan sa katiwalian katuwang ang Office of the Ombudsman at National Bureau of Investigation (NBI).
Sa pamamagitan aniya nito ay palalakasin ang case build-up, paghuhusayin ang pamamahala ng ebidensya, at pabibilisin pa ang pagresolba ng mga tinatawag na high-impact cases.
Tinukoy ni Vida ang katiwalian na sumisira sa mga institusyon, naglilihis ng pondo mula sa mahahalagang serbisyo, nagpapahina sa pamumuhunan, at nagpapababa ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Sa kabila nito, aminado ang kalihim na hindi magiging madali ang ginagawang reporma dahil sa mga sistemang lumalaban sa mga isinusulong na pagbabago.
Pero patuloy aniya nilang gagawin ang mga hakbang gaya ng pagpapahusay ng mga audit system, pagpapabilis sa digital transformation at iba pang hakbang para mabawasan ang pagkakataon para sa manipulasyon at pagkaantala.
Kahapon nang idaos ng DOJ ang unang Anti-Corruption Workshop and Summit kung saan hinimok nito ang mga dumalo na itaguyod ang pananagutan bilang haligi ng demokrasya.










