Plano ng gobyerno na magpatupad ng mga pangmatagalang solusyon para maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz Angeles na nakasama nya kahapon si Energy Secretary Raphael Lotilla at inalam ang mga programa ng departamento.
Base aniya sa inisyal na impormasyon mula kay Secretary Lotilla, target nitong bumuo ng mga hakbang upang mabawasan ang pagiging dependent ng Pilipinas sa mga power resource na nanggagaling sa ibang mga bansa.
Ito ay batay na rin aniya sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Energy (DOE).
Aniya, lumalabas sa datos ng DOE na nasa 56.8% ng kinakailangang enerhiya ng bansa ay imported, habang ang 43.2% ay mula naman mismo sa ating bansa.
Una nang inatasan ng pangulo ang DOE sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) kamakailan, na pag-aralan ang paggamit ng mga renewable energy at pagyamanin ito upang maging matatag ang suplay ng enerhiya at presyo ng kuryente sa bansa.