Mga Halal na Opisyal ng City of Ilagan, Pansamantalang Pinalitan ng mga SK Chairman!

*Cauayan City, Isabela-* Bilang bahagi sa pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan ay binigyan ng pagkakataon ang mga SK Chairman na manungkulan sa Lungsod ng Ilagan.

Pinanumpa ngayong araw ni City Mayor Josemarie Diaz ang mga Junior Officials sa pangunguna ni Junior Mayor Nikolai Imannuel Bacungan at buong pwersa ng legislative body na pansamantalang hahalili at aakto sa kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan.

Matapos manumpa si Junior Mayor Bacungan ay pinanumpa naman nito ang lahat ng mga Junior Department heads ng pamahalaang panlungsod kasabay ng flag raising ceremony.


Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Junior Mayor Bacungan, masarap aniya sa pakiramdam na may natutulungang tao lalo na sa kanyang mga kababayang Ilagueño.

Umupo si Bacungan bilang pansamantalang Mayor ng Lungsod at namahagi ng tulong pinansyal sa mga dumudulog na nangangailan ng pambili ng gamot at ilang pang serbisyo publiko.

Ayon kay Mayor Diaz, ipinaubaya muna nito ang lahat ng oportunidad kay Junior Mayor Bacungan na pansamantalang hahawak sa kanyang pwesto sa buong maghapon bilang ama ng Lungsod.

Kasalukuyan rin na ginagampanan ng mga Junior Legislative body at department heads ang kanilang mga tungkulin para sa mga Ilagueno.

Inihayag naman ni Sangguniang Kabataan Federation President Nicole Balingao na layon din nito na mabigyan ng ganitong oportunidad at maranasan ng mga gaya niyang kabataan na maglingkod sa bayan bilang bahagi sa isang Linggong selebrasyon.

Nakahanay naman sa kanilang programa ang tree planting, feeding program, paggawad sa mga ulirang kabataan at iba pang aktibidades sa tulong na rin ni City Mayor Diaz.

Facebook Comments