Umaapela si dating Health Secretary at Iloilo Rep. Janette Garin na bigyang pagkakataon ang mga health expert na magsalita para sa “efficacy” o pagiging epektibo ng Dengvaxia.
Panawagan ni Garin, na hayaang magsalita ang mga health experts at hindi ang mga self-proclaimed experts na halata namang anti-vaccine upang sa gayon ay matugunan ang pagtaas ng kaso ng Dengue sa bansa.
Paliwanag ng kongresista, nakamamatay ang Dengue at kung hindi irerekunsidera ang paggamit ng Dengvaxia ay marami ang mamamatay sa sakit.
Paglilinaw pa ni Garin, kinansela ang Dengvaxia ng Food and Drug Administration (FDA) dahil sa ‘administrative reasons’ at hindi sa safety issues.
Katunayan aniya, ginagamit ang Dengvaxia sa 23 bansa at ang naturang bakuna ay kinikilala ng World Health Organization (WHO) bilang paraan para mabawasan ang pagkaka-ospital o pagkamatay dahil sa Dengue.
Matatandaan namang si Garin ang kalihim noon ng Kagawaran ng Kalusugan noong pumutok ang Dengvaxia controversy sa ilalim ng dating PNoy administration.