Kasabay ng pagbugso ng mga deboto ng Puong Itim na Nazareno sa Quiapo Church, tiniyak ngayon ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene na nasusunod ang 30% na maximum capacity dahil na rin sa pandemya.
Ito ay batay na rin sa itinakdang guideliness ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa selebrasyon ng Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, nasusunod naman ang 30% minimum seating capacity sa loob ng simbahan kung saan nakapila ang mga deboto sa Quezon Boulevard upang makapasok sa Quiapo Church.
Tumutulong din ang mga miyembro ng Hijos del Nazareno sa mga pulis sa pagpapatupad ng social distancing.
Sa pagpasok sa Quiapo Church, binibigyan ng contact tracing forms ang mga deboto at kinukuhanan ng temperatura bilang parte ng health protocols ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Namamahagi rin sila ng face mask sa mga deboto na nagmula naman sa Manila Public Employment Service Office.