Tiniyak ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro na tuloy na ang pagbabakuna sa mga health workers bukas.
Ito ay matapos na dumating pasado alas-7:00 ng gabi sa Metropac Movers Storage facility sa Marikina City ang bakuna ng Sinovac ng China.
Ayon kay Mayor Teodoro, handa na ang may 70% mga health workers na magpapabakuna bukas kung saan ang natitirang 30% ay pinakiusapan nila na magpabakuna na rin dahil wala silang dapat na ipangamba dahil ligtas naman ang naturang vaccine.
Paliwanag ng alkalde, wala rin dapat ipag-aalala ang publiko sa pag- iimbakan ng Sinovac vaccine sa storage facility dahil mayroong kapasidad ito ng hanggang 500-milyong doses ng bakuna.
Giit pa ni Mayor Teodoro, huwag na umanong hintayin ang gusto o napipisil nilang brand ng bakuna dahil ang mas mahalaga ay ang kanilang proteksyon at kaligtasan upang huwag hawaan ng COVID-19.