Hinimok ni Deputy Speaker Loren Legarda si Pangulong Rodrigo Duterte na palakasin ang mga programang pang-medikal sa bansa sa gitna pa rin ng nararanasang pandemya.
Kasunod ito ng paghahayag ng lady solon ng suporta sa ikinasang bakuna sa general adult population na layong mapabilis ang pagkakamit ng herd immunity sa bansa.
Hirit ni Legarda na tiyakin ng pangulo na may sapat na pondo sa 2022 para sa pagpapahusay ng health care system upang madagdagan ang mga de kalidad na pasilidad at kagamitan sa mga pagamutan.
Pinapaigting din ng kongresista ang mga medical programs tulad ng assistance to individuals in crisis situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at medical assistance for indigents program (MAIP) ng Department of Health (DOH).
Naniniwala ang mambabatas na mahalaga pa rin na matiyak na may matatag na health care system at ang pagkakaloob ng tulong sa mga nangangailangan kahit pa sinasabing may bahagyang pagbuti sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa ngayon.
Batay sa House version ng 2022 General Appropriations Bill, nasa P10 billion ang dagdag-pondo para sa AICS, habang P5 billion naman para sa MAIP.
Hinikayat rin ni Legarda, co-author ng Republic Act 11036 o ang Mental Health act, ang pagkakaroon ng mas accessible at affordable mental health services sa bansa.